United States or Zambia ? Vote for the TOP Country of the Week !
Sa ganitong pangyayari, kaming nagsiaklás ay wala nang nalalabing pag-asa munti man sa pagtatagumpay; sapagka't nakikinikinita ko, na sa likod n~g taksil na si Pablo at sa likod pa n~g ilan pang nahikayat niya, ay susunod naman ang ilan pa; at sa wakas ... sa wakas n~ga, ay marahil ang lahat na ¡Sukatin mo, Serafina, kung sa lahat nang itó ay may puso akong itatagal!
Kaninang hapon, samantalang ang lahat at bawa't isa sa m~ga manggagawang nagsiaklás ay nagkakapulong at pinaguusapan namin ang m~ga pangyayaring hinaharáp, at samantalang inaasahan namin ang tagumpay na di malalaon n~g m~ga adhika namin, ay naririto, at sa pagawaan, ay nagsipasok ang ilán, sa ilalim n~g pan~gun~gulo naman ni Pablo, isang manggagawang may kinalalagyang pagawaan, na nahikayat mandin n~g Tagapamahala n~g pagawaán, at ito naman ang siyang humikayat sa iba.
¡Labing-isang manggagawa sila na nahikayat n~g makamandag na dila ni Pablo! ¡Labing-isang bibig na may kinakain na ang umagaw pa sa dapat kanin n~g ibá! ¡Oh! Ang m~ga gahamang ito ay siyang dapat managót sa napakaraming aklasang natalo sa Pilipinas, at sa libolibong bibig na walang makain n~g m~ga asawa't anák n~g nagsisiaklás. ¡Lubha n~gang kanaisnais na ang m~ga ito'y mawala at malipol agad!