United States or Turkmenistan ? Vote for the TOP Country of the Week !
Muling sinugod ni Gerardo ang kaaway, dapwa't namagitnâng mulî si Elena. "Giliw ko, nalalabuan ka ng isip, napadadaig ka sa kainitan ng iyong dugô; huwag oh, huwag! Maghunós dili ka!" "Bayaan mo akó Elena!" "Gerardo, may mga hukuman, may Justicia, may Diyós!" "At may Juancho na di nagugulat sa sanglibong gáya mo, palalò!!" ang pagdaka'y isinabad ng swail.
Si Gerardo'y ligtas; iniligtas siyá ni Florante, na sa gitnâ ng gayóng kabayanihan at pagwawagí, di kinukusa'y napasigaw ng "Oh mga swail!! Ang Diyos ay hindî natutúlog!" Nang mámalas ang pagkakátimbuwáng ni Kapitang Memò, ang kanina'y pumipigil kay Gerardo ay kumaripas ng takbó. Sinundán siyá ng dalawáng magkatóto, dapwa't di inabutan. Biglâng nawalâ. Kinupkóp ng dilím!...